Noong ako'y bata pa.......
Iminulat kami ng aming mga dada na maging aktibo at makiisa sa pagdiriwang ng Mahal na Araw. Naging Aglipay' o Katoliko ma'y walang nagbago sa aking debosyon tuwing sasapit ang Santong Araw. Bagamat nais kong magkaroon ng isang imahen na pang-Mahal na Araw, minabuti ko na lamang na makitingin at maki-usisa sa mga pamilyang abala sa paghahanda ng kanilang mga Santo... Kaysarap pagmasdan..
Kung inyong natatandaan, taong 1985 nang may isang batang nahulog sa tulay ng ilaya, na noo'y yari sa pitak-pitak na kahoy.
Biyernes Santo noon, ako'y naglalakad kasunod ng karo ng imahen ni San Lazaro habang nagpu-prusisyon, ako'y nabuslot, nahulog sa madilim na ilog, nagkagulo ang mga tao at tumigil ang prusisyon! Ako'y natagpuan na nakadapa sa isang malaking bato at walang malay. Mula doon ay dinala ako sa klinika - walang pilay, walang malaking sugat at ilang gasgas lamang ang nakita, salamat sa Diyos at ako'y nasalba! Lalong naging malaki ang aking paniniwala sa kasagraduhan ng prusisyon ng Mahal na Araw. Mula noon ay nagnais na akong magkaroon ng aking sariling Santo na siyang aking susundan sa gabi ng prusisyon...
Noon ang aking ama'y nagta-trabaho pa sa barko, humiling ako sa kanya na gusto kong magkaroon ng Imaheng maari namin isama sa prusisyon ng Mahal na Araw. Pinadalhan ko pa siya ng mga larawan at sarili kong guhit na maaring nais niyang ipagawa, nariyang si San Jose ng Arimatea, Ang Pananalangin sa Halamanan, Ang Tres Caida pero walang natupad sapagkat hindi sasapat ang kanyang kinikita. Minabuti ko na lamang na makipanood, makisunod at gayo'y makikain sa mga may-ri ng Santo sa taong iyon na nagdaan.
Umaga pa lamang ng Linggo ng Palaspas ako'y nasa simbahan na! Naghihintay kung anong unang Santo ang darating, Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo ako'y naroon na sa simbahan ng Romano (Katoliko), minsan naman ay tatawid sa Simbahang Aglipay, palipat-lipat ako ng puwesto. "Salubong mamayang gabi, darating na ang mga carroza, nakakatuwa!". Halos ay doon na ako tumira sa simbahan, kahit dumarating ang aming mga kamag-anak galing Maynila, naroon pa rin ako naghihintay sa loob ng simbahan at lalabas tuwing makikita ko ang ibang bata na tumatakbo sa may pintuan ng simbahan..."Hayan na! Isa-isa ng dumarating!" Bawat andas na pumasok sa simbahan ay aking pinagmamasdan...ang bihis, ayos, bulaklak ay aking minamatyagan, animo'y nag-iimbestiga, kung bago ba ang damit o noong isang taon pa! Binibilang ko itong isa-isa, animo'y mayroon akong attendance sheet upang malaman kung anong Santo ang late o hindi mailalabas. Minsan ay pinupuntahan ko pa ang mga may-ari at sinisilip ko kung mayroon bagang ginagayakang andas sa harapan ng kanilang bahay, "maisasama kaya?" Babalik ako sa simbahan upang sabihin sa mga narorong darating ang "Pananalangin sa Halamanan.." Kumpleto pala, na kung iisipin ko'y masaya ang salubong, kung kulang nama'y para ba akong kulang, hindi masaya....Subalit sa kabila nito'y naririto pa rin ang aking pangarap, na magmay-ari ng isa sa mga ipu-prusisyon, nakakalungkot...
Pagkatapos ko ng highschool ng ako'y umalis sa bayan ng Paete, magma-Mahal na Araw na noon, nakakalungkot, wala daw prusisyon sa Amerika. Nagsimula akong magtrabaho, nakalilibang subalit kakaiba, Biyernes Santo na'y may trabaho pa! Talagang kakaiba! Tawag dito, tawag doon ang aking ginagawa sa tuwing araw upang malaman kung anong nangyayari, "May bago bang nadagdag na Santo?", "Mayroon" ang sabi sa simbahan...
Isang umaga sa aking pag-uwi galing trabaho, (sapagkat ako'y pumapasok ng pang-gabi) ako'y pagod na pagod, nakatulog at hindi na nagawang magdasal, Disyembre noon.. Ako'y naalimpungatan sa isang panaginip na hindi ko mawari, kakaiba, hindi katulad noong mga nakaraan. Ako raw ay nasa tuktok ng isang bundok, at dooy nakita ko ang tatlong lalaking animo'y nag-uusap-usap, dali-dali akong tumakbo papalayo, nakatatakot sa tindi ng dagundong at liwanag na nagmumula sa kanila. At dahil dito'y ako'y biglang nagising, pawis na pawis, humahapo, tiningnan ko ang aking orasan sa tabi ng higaan, "wala pa pala akong labing-limang minutong nai-idlip", ganoon kabilis... Binuksan ko ang aking Bibliya at laking mangha ko ng ito'y aking buklatin, ang kuwento ng "Pagbabagong-anyo", ako'y kinilabutan at agad ay tumawag sa Pilipinas upang ito'y aking ibahagi, nakapangingilabot, "tatlong lalaking nakaputi, nagniningning na animo'y araw".
Ako'y nabigla, na sa aking pag-iisip ng mensaheng nais ipahiwatig, "Pagbabagong-Anyo", tama ako nga'y nagbago, na noon ay halos tumira ako sa simbahan, ngayo'y nagbago! Na noon ang buhay ay talagang napakahirap, ngayo'y nagbago!
Agad ko itong naisip kung maaring ipa-ukit, at ilagay sa aming bahay, ako'y humingi ng pahintulot sa aking dada, ang sabi'y ito'y ipinagdiriwang tuwing ikalawang Linggo ng Kuwaresma, "Puwedeng pang-Mahal na Araw", ika niya, bigla akong natuwa na noong ang aking minimithi ay matutupad ng dahil sa aking panaginip! Ang aking mga pangarap ay matutupad na sa wakas! Noon rin Disyembre na iyon, pinasimulan ko itong ipagawa sa isa sa dalubhasang mag-uukit sa ating bayan, ngayo'y dalawang taon na! Akin nang makikita, anong kasiyahan ang aking nadarama.........
M.A.R.C. Pebrero, 2002